33

Mar 3, 2021 @ 20:08
By

7 inarestong Muslim nawawala

Hindi pa rin nahahanap ang pitong Muslim na inaresto ng pulisya sa isang construction site sa Bacoor, Cavite.

Sa kanyang privilege speech noong Miyerkoles, sinabi ni Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman na hindi masabi ng National Intelligence Coordinating Agency at National Capital Region Police Office kung nasaan na ang pitong Muslim na inaresto kasama ang apat na iba pa noong nakaraang linggo.

“This happened more than a week ago, Mr. Speaker. Walang nangyaring pasabi sa mga kaanak. Hanggang ngayon, walang makapagsabi kung nasaan sila. Hinanap namin sila sa Bacoor Police, hindi nila alam kung nasaan. Hinanap namin sa Camp Crame at Camp Bagong Diwa wala din daw doon,” ani Hataman.

Sinabi ni Hataman, na ang pag-aresto sa pito ay nangyari ngayong umiiral na ang Anti-Terrorism Act.

“Walang makasagot sa maraming tanong na tumatakbo sa isip ng kanilang mga pamilya: Nasaan na sila? Bakit sila inaresto? Bakit hanggang ngayon walang makapagbigay ng malinaw na detalye at paliwanag ang mga umaresto sa kanila? Buhay pa ba sila?” saad pa ng solon.

Bukod sa pito, sinabi ni Hataman na hinuli ng mga nagpakilalang ahente ng National Bureau of Investigation ang mag-asawang Muslim na sina Muslimen Saban Mantawi at Bai Monerah Saban habang nakatayo sa labas ng kanilang placement agency sa Malate, Manila.

Nawawala rin si Solaiman Baonto Muhammad, na umalis ng bahay para sumamba noong Pebrero 19 pero hindi na nakauwi. Si Abdulmuin Tula ay isinakay naman ng mga armadong lalaki noong Enero 19.

Sumama naman si Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan sa panawagan ni Hataman na imbestigahan ng Kamara de Representantes ang mga pangyayari.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?