47

Nov 1, 2017 @ 12:29

$6B business agreement, naisara ni Duterte sa Japan

Ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang dalawang araw na biyahe nito sa Japan ang pinaka-produktibo at pinakamalugod.

Sa kanyang mensahe pagdating sa bansa noong Martes ng gabi ay ibinida ng Pangulo na maganda ang naging resulta ng pag-uusap nila ng kanyang kaibigang si Japanese Prime Minister Shinzo Abe na lalong nagpatibay sa kooperasyong bilateral ng Pilipinas at Japan.

Nangako aniya si Abe na susuportahan ang “Build, Build, Build Infrastructure Programs” ng kanyang administrasyon.

“Prime Minister Abe committed to give flesh through Japan’s special assistance program. I am committed to work closely with him to ensure that projects proceed soonest and it will be done, done, done,” ang pahayag ng Pangulo.

Bukod kay Abe, nakipagpulong din ang Pangulo sa mga industry leader sa Tokyo at nakapagsara ng mga kasunduang pang-negosyo na nagkakahalaga ng $6 bilyon.

“This is more than three times the amount of sealed business agreements during my previous visit to Japan in 2016,” anang Presidente.

Inaantabayanan ng Punong Ehekutibo ang muli nilang pagkikita ni Abe na inaasahang dadalo sa Association of Southeast Asian Nations Summit (ASEAN) and Related Summits sa ikatlong linggo ng buwang kasalukuyan. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?