155

Apr 13, 2020 @ 18:56
By

67K pamilya sa Las Piñas tatanggap ng amelioration subsidy

Sisimulan na ngayong linggo ng Las Piñas City Social Welfare Development (CSWD) ang pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) para sa mga kuwalipikadong pamilya sa buong lungsod.

Ayon kay CSWD Chief Junet Barilla, nasa 67,738 pamilya ang naaprubahan mula sa 82,232 pamilya na nakalista batay sa mga isinumiteng listahan ng 20 barangay sa Las Pinas City.

Sinabi ni Barilla, na on-going ang kanilang isinisigawang validation/balidasyon upang mabigyan agad ng SAP card ang mga pamilya.

Paliwanag pa nito, pagkatapos mapunan ang SAP form ay agad aniyang gagawan ito ng payroll.

Para sa mga pamilyang hindi naaprubahan sa ilalim ng SAP, isusumite ng CSWD ang master list sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) national upang matulungan din sila sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) na ipinatutupad sa buong Luzon.

Inihayag din ni Barilla na may plano rin ang Las Piñas government sa ilalim ni Mayor Imelda “Mel” Aguilar na maiapela at matulungan sa anumang paraan ang mga hindi nakasali sa SAP upang maibsan ang kanilang nararanasang hirap ngayong krisis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?