14

Aug 14, 2021 @ 16:16
By

67 healthcare workers sa Tuguegarao nadale ng COVID

Tinamaan ng COVID-19 ang 67 healthcare workers ng government hospital sa Tuguegarao City, Cagayan dahil sa pagtaas ng COVID cases.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano na nababahala sila sa maraming bilang ng tinamaang health workers sa COVID -19.

Sa kabuuan ay mayroon aniyang naitalang 773 COVID cases sa lungsod, at 77 dito ang nahawang frontliners, 67 dito ang health workers.

Dahil dito sinabi ng alkalde na pinag-iingat at inaalagaan ngayon ang mga nagkasakit na health workers at naka-quarantine na ang mga ito sa kasalukuyan.

“Ang nakakabahala diyan, as of now we have 77 frontliners nahawa sa COVID-19 doon sa 773 active cases. Out of that 67 po ang healthcare workers,” ani Soriano

Sinabi ng alkalde na pinahiram na sila ng nurses ng Philippine National Police at Bureau of Fire Protection, na aniya ito yaong mga regular police na pumasok bilang nurse sa institusyon.

Kinakapos na rin aniya ang Tuguegarao City ng isolation units kaya tumulong na ang ibang ahensiya para madagdagan ang isolation units para sa mga may sintomas ng COVID-19.

“Hindi na po kaya ng isolation units namin, tumutulong na iyong ibang agencies para magkaroon ng additional isolation units,” dagdag ni Soriano.

Sa kasalukuyan ay nakataas sa general community quarantine (GCQ) status with heightened restrictions ang lalawigan ng Cagayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?