134

Oct 21, 2017 @ 16:04

66 distressed OFWs mula sa Saudi, balik-Pinas

Animnapu’t anim na mga distressed Overseas Filipino Workers (OFW) mula sa Jeddah, Saudi Arabia ang dumating sa bansa kahapon (October 21) ng umaga.

Ang mga OFW ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sakay ng Philippine Airlines Flight PR 663.

Ang nasabing batch ng mga OFW ay kabilang sa mga naapektuhan ng Saudization program sa Saudi Arabia kung saan mas binibigyan ng prayoridad sa trabaho ang mamamayan ng kanilang bansa.

Sinalubong ang mga OFW ng mga kinatawan mula sa Repatriation Team ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ang mga OFW ay binigyan ng pamasahe pauwi sa kani-kanilang mga probinsya, habang ang mga wala namang mauuwian ay papayagan na pansamantalang manatili sa OWWA Halfway Home.

Bahagi rin ng post-repatriation service na ibinibigay ng OWWA ay ang pagkakaloob ng psycho-social counselling o stress debriefing sa mga OFW. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?