108

Nov 5, 2017 @ 14:11

60kph speed limit, ipatupad sa Batasan-San Mateo Road

Kasunod ng malagim na aksidente sa Batasan-San Mateo Road kamakailan, iginiit ng isang kongresista sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpatupad ng 60-kilometer per hour speed limit sa naturang kalsada.

Ayon kay Quezon City 2nd District Representative Winston Castelo, makatutulong ang speed limit at pagbibigay ng atensiyon sa road worthiness ng mga sasakyan para maiwasan ang kahalintulad na mga aksidente.

“Imposing a speed limit on the roadway and more attention devoted to checking roadworthiness of vehicles will boost the safety of motorists,” sabi ni Castelo.

Lima ang namatay at 14 ang nasugatan nang mabangga ng overloaded na truck ang tatlong sasakyan sa kahabaan ng Batasan-San Mateo Road noong Oktubre 26.

Nauna nang iginiit ni Castelo na maaari sanang maiwasan ang mga aksidente kung mahigpit lamang na naipatutupad ang mga patakaran sa lansangan at kung ginagawa ng kaukulang mga ahensya ng gobyerno ang kanilang trabaho.

Kaugnay nito’y sinabi ng kongresista na dapat managot ang Land Transportation Office (LTO).

Giit ni Castelo, responsibilidad ng LTO na tiyaking maayos ang kondisyon ng mga bumibiyaheng mga sasakyan sa pamamagitan ng Motor Vehicle Inspection System.

Pinayuhan rin ng mambabatas ang ahensya na magtalaga ng mga kinatawan o hingin ang tulong ng mga awtoridad para mabantayan ang mga sasakyang dumadaan sa Batasan-San Mateo Road.

“The LTO should post representatives or deputize law enforcers to monitor vehicles passing through the roadway,” mungkahi ni Castelo.

“The frequent occurrence of deadly road accidents can be avoided if transport agencies  implement laws that Congress had crafted to make road travel safe,” dagdag pa ng kongresista. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?