71

Oct 26, 2017 @ 15:09

600K pamilya palalayasin sa gov’t housing project – De Lima

Pinaiimbestigahan ni Senadora Leila de Lima sa Senado ang nakaamba umanong pagpapalayas sa mahigit 600,000 pamilya mula sa resettlement sites ng gobyerno.

Hindi umano makahulog sa murang pabahay ang mga ito kaya palalayasin ng National Housing Authority (NHA).

Ayon kay De Lima, ang nabanggit na mga pamilya ay naninirahan sa 69 na Northville at Southville resettlement area sa Laguna, Bulacan, Pampanga at Metro Manila.

Mula noong 2005 hanggang 2014, hinakot at inilikas ang mga ito mula sa mga lugar na apektado ng konstruksyon ng Northrailway at Southrailway project ng gobyerno sa Bulacan, Pampanga, Rizal, Cavite at Laguna.

Sa sumbong kay De Lima, inisyu ng NHA ng Memorandum Circular No. 2506 kung saan iniuutos na paalisin sa proyektong pabahay ang hindi nakabayad ng tatlong buwan at iyong may housing contract na nag-mature o nag-expire pero hindi pa kumpleto ang bayad.

Kumuha na umano ang NHA ng collection agencies at ng law firm na wala umanong malasakit sa paniningil.

Delikado pa umanong lumobo ang utang ng mga informal settler dahil  sa panggigipit ng collection agencies.

“Due to the strict implementation of the penalties due to the amortization arrears, most of the Northville and Southville residents are facing an increasing debt that are fast becoming insurmountable given their current conditions,” ayon kay De Lima.

Hirap na hirap umano ang mga ito dahil hindi naman makapaghanapbuhay at hindi rin maayos ang sitwasyon sa resettlement areas dahil kulang sa tubig, kuryente, ilaw sa lansangan, poso negro at access roads.

“There is also a need to investigate the living conditions that hamper the development of our countrymen in these relocation sites,” ayon kay De Lima. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?