22
ABANTE albay evacuate infection
By

600 bakwit sa Albay, tinamaan ng respiratory infection

Sa harap ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon, aabot na sa mahigit 600 na mga residente sa Albay ang dumaranas ng Acute Respiratory Infection.

Ayon sa Department of Health (DOH), mula sa 947 na mga residenteng nagpakonsulta, aabot sa kabuuang 616 o 65-percent ay mga kaso ng respiratory infection.

Hinihinalang ang nasabing kundisyon ay bunsod ng pagkakalanghap ng mga evacuee ng abo na ibinuga ng bulkan.

Samantala, 120 naman sa mga evacuee ay nagkalagnat, at 80 naman ang dumaing ng sakit sa ulo.

Dahil sa nararanasang ash fall, mahigpit naman ang paalala ng DOH sa mga residente na malapit sa Mayon na kung posible ay manatili na lamang sa loob ng bahay at magsuot ng protective cover gaya ng face mask.

Partikular na pinag-iingat ng kagawaran ang mga residente na mayroong pre-existing respiratory health condition gaya ng bronchitis, emphysena o asthma.

Nauna nang naglunsad ang DOH ng Oplan Mayon at inilagay na rin nito sa code blue ang kanilang regional health office sa Bicol.

Sa ilalim ng code blue alert, 50 porsyento ng mga kawani ng ospital ay kinakailangang magreport sa trabaho para magbigay ng serbisyong medikal.

Namahagi rin ang regional office ng kagawaran ng tig-1,500 na piraso ng face mask sa Bayan ng Guinobatan at Camalig at tig-P58,000 halaga ng gamot sa dalawang bayan. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?