12

6 tauhan ng Miascor, sinuspinde sa nakawan sa Clark airport

Sharing is caring!

Iniimbestigahan na ang anim na empleyado ng Miascor Aviation Services sa Clark International Airport (CRK) dahil sa nangyaring nakawan sa mga gamit ng isang pasahero.

Ayon kay Alexander Cauguiran, acting president ng Clark International Airport Corporation (CIAC), ang anim na ground handlers ay sinuspinde na dahil umano sa pangungupit sa bagahe ni Jovinal dela Cruz ng Pandi, Bulacan.

Hindi muna pinangalanan ng CIAC ang pangalan ng mga ito dahil tumatakbo pa ang imbestigasyon sa kaso.

Ayon sa hepe ng CIAC, binayaran na nila ang halaga ng nawalang mga gamit ni Dela Cruz na umabot sa P82,824.

Sa kanyang Facebook account na Jov En Ros, Dela Cruz, ipinoste nito noong Enero 10 ang naging karanasan niya sa Clark airport.

Naging viral ang post nito at nakakuha ng simpatiya sa netizens kung saan makikitang binuksan ng mga kawatan ang bagahe niya at balikbayan box na nasimot ang laman.

Agad nagsampa ng reklamo si Dela Cruz at asawa nitong si Rosemarie Campo Versoza sa Clark Airport Police matapos madiskubre ang naransak nilang kagamitan.

Sa kuwento ng mag-asawa sa airport police, dumating sila mula Singapore sakay ng Jet Star flight noong Disyembre 23 at sinabihan sila ng Pags agent na si Jobel Fernando na tatawagan na lang sila kapag dumating na ang tatlo nilang bagahe at kahon sa Clark.

Pero higit dalawang linggo na ay wala pang abiso sa kanilang gamit kaya’t nagdesisyon silang pumunta sa Clark airport, laking gulat nila na nai-deliver na pala ang gamit nila sa Clark noon pang Disyembre 24 ng nakaraang taon at nang tingnan ay nakitang sira na ang mga bagahe nila at nawawala na ang ibang laman nito, maging ang kahon na kasama nito ay nasimot din.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?