109
drug-test
Jul 30, 2018 @ 17:14
By

6 senador sumalang sa drug test

Nagkusang nagpa-drug test ang anim na senador ngayong araw.

Sumabay sila sa mahigit 400 kawani ng Senado na isinailalim sa taunang mandatory random drug testing na direktiba ng Civil Service Commission (CSC).

Pinakaunang nagpa-drug test kaninang umaga sina Senate President Vicente Sotto III at Senador Gregorio Honasan.

Sumailalim din dito sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sen. Bam Aquino, Sen. Loren Legarda at Sen. Antonio Trillanes IV.

Ayon kay Sotto, gusto nilang magbigay ng halimbawa na hindi dapat na gumagamit ng iligal na droga lalo na silang mga nasa gobyerno.

Sinabi naman ni Zubiri na mensahe nilang mga senador sa iba pang ahensya ng gobyerno na magsagawa rin ng random drug test bilang ambag sa paglaban sa iligal na droga.

“Magandang ehemplo ito para sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Sana gawin po nila ito. Kami sa Senado nangunguna at of course ang mga senador. Maganda ito para makatulong tayo sa fight against illegal drugs,” sabi ni Zubiri.

Hanggang alas-3:30 ng hapon, 342 kawani na ng Senado ang nagpa-drug test.

Hindi sumipot ang 76 na iba pa na bahagi ng 419 na mga kawani na random na pinili noong nakaraang linggo at kanina lang inabisuhan na sasailalim sa drug test.

May 1,698 na mga kawani ang Senado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?