44

Dec 27, 2017 @ 18:25
By

6 sa ‘Magnificent 7’, hiniling sa SC na ipawalang-bisa ang ML extension

Pormal nang kinuwestiyon sa Korte Suprema ng mga mambabatas mula sa oposisyon sa Kamara de Representantes ang pagpapalawig muli ng Batas Militar sa Mindanao.

Kasama sa mga petitioner ang ilan sa ‘Magnificent 7’ na sina Congressmen Edcel Lagman, Tomasito Villarin, Edgar Erice, Teddy Brawner Baguilat, Gary Alejano at Emmanuel Billones.

Hiniling ng mga petitioner na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order o ng writ of preliminary injunction para pigilan ang pagpapatupad ng panibagong Martial Law extention na tatagal hanggang Disyembre 31, 2018.

Iginiit ng mga petitioner na unconstitutional ang nasabing hakbang ng Kongreso dahil wala namang aktuwal na rebelyon na nagaganap sa Mindanao.

Ang banta umano ng karahasan at terorismo ng mga nalalabing puwersa ng mga terorista ay hindi rin umano sapat na batayan sa ilalim ng 1987 Constitution para mapalawig ang Martial Law.

Hindi rin umano pinapayagan sa ilalim ng Saligang Batas ang serye ng pagpapalawig o re-extension ng Martial Law proclamation na pinangangambahang mauwi sa pangmatagalang pagpapalawig.

Dagdag pa ng mga petitioner, mayroon namang tinatawag na “calling-out power” ang Presidente bilang Commander-in-Chief kung saan maaari niyang pakilusin ang armadong puwersa ng estado para pigilin ang nalalabing miyembro ng mga teroristang grupo kaya hindi na kailangan pa ang pagpapalawig ng Martial Law at ang pagsuspinde sa writ of habeas corpus sa Mindanao.

Pinangalanang respondent sa petisyon sina Senate President Aquilino Pimentel III, House Speaker Pantaleon Alvarez, Executive Secretary Salvador Medialdea, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Budget Secretary Benjamin Diokno at Armed Forces of the Philippines Chief-of-Staff General Rey Leonardo Guerrero.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?