25

Jan 13, 2021 @ 18:13
By

6 Pinoy, Chinese timbog sa pekeng ‘Letter of Acceptance’

Hinarang sa Mactan-Cebu International Airport nitong Miyerkoles ng hapon ang anim na Pilipino at isang Chinese matapos madiskubreng peke ang dala nilang Letter of Acceptance na mula raw sa Lapu-Lapu City government.

Ayon kay Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan, ang mga tauhan ng city government sa airport ang nakadiskubre sa mga pekeng dokumento.

Sa ulat, sinabi ng nahuling Chinese na si Yao Cuizon na hindi niya alam na peke ang dokumentong dala nila.

Isang Chinese na si Raymond Tan daw ang binayaran nila ng P10,000 upang iproseso ang kanilang Letter of Acceptance at makapasok sa Cebu.

Ani Cuizon, nanggaling sila sa Maynila at nagtungo sa Cebu para magkabit ng mga aluminum signage.

Mga trabahador daw niya ang anim na Pilipino.

Dahil dito, pinayuhan ni Mayor Chan ang mga nais magpunta sa Lapu-Lapu na makipag-ugnayan nang direkta sa city government sa pamamagitan ng website at hotline nito.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong falsification of a public document.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?