28

Oct 4, 2021 @ 19:15
By

6 ospital sa NCR pilot site sa pagtuturok ng bagets

Anim na mga hospital sa Metro Manila ang gagawing pilot vaccination site para sa mga batang edad 12-17 na bibigyan ng COVID vaccine.

Ito ang inihayag ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez sa press briefing sa Malacañang kaugnay sa ginagawang paghahanda ng Department of Health (DOH) para sa pagbakuna sa mga bata simula sa Oktubre 15.

Kabilang sa mga ito ang Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Heart Center , Pasig City Children’s Hospital, Fe del Mundo Medical Center at Philippine General Hospital.

Ang mga nabanggit na hospital ay matatagpuan sa Lungsod ng Maynila, Pasig, Taguig, Makati, Quezon City at Mandaluyong City.

Sinabi ni Galvez na ang mga unang prayoridad ay mga batang mayroong comorbidities na edad 15-17 sa unang phase at makalipas ang 14 na araw ay edad dose at katorse.

Pagkatapos aniya ng 30 araw ay ilalarga na ang vaccination rollout sa buong National Capital Region.

“Ang initial natin sa pilot is more or less, mga ilang libo lang muna for the meantime and then oobserbahan po natin. Kapag wala siyang side effects, adverse effect, major adverse effect ay itutuloy po natin,” ani Galvez.

Tinitiyak ng kalihim na mahigpit nilang imomonitor ang mga batang unang mababakunahan ng COVID vaccine para makita kung ano ang magiging epekto ng pagbakuna sa mga ito.

Sinabi ni Galvez na nakausap niya ang isang opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Amerika at wala aniyang nakitang major side effects sa mga batang edad 12-17 na nabakunahan na sa Estados Unidos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?