271

Sep 28, 2019 @ 15:31
By

6 kadete na sangkot sa pagkamatay ni Dormitorio, nakatakda nang kasuhan

Sasampahan na ng kasong kriminal sa susunod na linggo ang anim na upperclassman cadet ng Philippine Military Academy (PMA) gayundin ang dalawang doktor na sumuri sa pagkamatay ni PMA Cadet 4th Class Darwin Dormitorio na pinahirapan sa pamamagitan umano ng hazing.

Ayon kay Baguio City Police Director Allen Rae Co, nasa 90 porsiyento na ang kanilang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ni Dormitorio kaya inaasahan nito na posibleng sa Lunes ay masampahan na ng kaso ang anim na kadete ng kasong paglabag sa anti-hazing law.

Direkta umano ang naging partisipasyon ng anim na suspek sa pagkamatay ng biktima na kinabibilangan nina Cadet First Class Axl Ray Sanupco, Cadet 3rd Class Shalimar Imperial at Felix Lumbag.

Sa ngayon ay hindi pa isinisiwalat ng pulisya ang pangalan ng tatlo pang upperclassman kung saan isa sa mga ito ang kumuryente sa ari ng biktima habang ang isa ay sumipa naman sa mukha nito.

Kasong neglect of duty naman ang nakatakdang kaharapin ng dalawang doktor ng PMA, isa na rito si Dr. Flor Apostol, ang attending physician na sumuri kay Dormitorio bago ito mamatay, dahil sa kanyang finding ay UTI lamang ang sakit ng biktima.

“Ang ipinagtataka ng pulisya ay kung bakit UTI ang lumabas na findings ng doktor na tumingin kay Darwin gayong may nararanasan na pala itong pagdurugo sa loob ng katawan bunsod ng mga dinanas nitong pambubugbog at pangunguryente,” saad ni Co sa panayam ng media nitong Sabado.

Pagsasalarawan pa ni Co, batay sa salaysay ng mga kadeteng saksi, halos mala-impiyerno umano ang naging karanasan ni Dormitorio dahil sa ginawang pagmamaltrato ng kanyang mga upperclassman.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?