103

Oct 18, 2017 @ 11:40

6 frat members sa Atio Castillo hazing, pinangalanan ni Solano

Pinangalanan ni John Paul Solano sa executive session ng Senado ang anim na myembro ng Aegis Juris fraternity na kaniyang dinatnan sa fraternity library na pinagdausan ng hazing rites kung saan pinaniniwalaang namatay si UST student Horacio “Atio” Castillo III.

Sa isinapublikong transcript ng testimonya ni Solano sa nasabing executive session noong Setyembre 25, tinukoy niya sina Axel Hipe, Arvin Balag, Mark Ventura, and Oliver John Audrey “OJ” Onofre.

Naroon din aniya ang mga nagngangalang Zach at Dan na hindi niya matandaan ang apelyido dahil bagong myembro ng fraternity. Sinabi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na batay sa reports, ang mga ito ay sina Zach Abulencia at Daniel Ragos.

Sinabi ni Solano na si Onofre ang tumawag sa kanya sa telepono noong Setyembre 17 ng umaga at pinapunta siya sa fraternity library sa Dapitan, Maynila.

Pagdating nya roon, nakita nyang nakahandusay si Atio.

Siya raw ang inutusan na maghatid kay Atio sa Chinese General Hospital bagaman iminungkahi nya na sa UST Hospital nila ito dalhin.

Sa harap niya, tinangka ng mga doktor as ospital na buhayin pa si Atio pero wala nang nangyari.

Dahil lumutang ang kaniyang pangalan at siya na ang iniimbestigahan, nagtago pa umano siya sa Tarlac at Pangasinan, natulog siya sa mga lansangan hanggang nagpasya siya na umuwi na at humarap sa imbestigasyon.

Isinapubliko ng Senado ang kaniyang testimonya sa executive session dahil hindi pa ito nagsusumite hanggang ngayon sa Department of Justice ng sinumpaang salaysay.

Sa ginaganap na pagdinig, nangako si Solano na magsusumite ng sinumpaang salaysay sa DOJ sa preliminary investigation sa Oktubre 24.  (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?