44

Jul 28, 2020 @ 13:49
By

6 Chinese, timbog sa pagkidnap sa 2 kababayan

Arestado ang anim na Chinese national at isang Pinoy na kidnaper habang matagumpay na nailigtas ang dalawang Chinese national sa dalawang insidente ng kidnapping sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Paranaque at Pasay City Lunes ng gabi.

Ayon kay PNP-AKG Director Police Brig. General Joel Estomo, alas-11:50 ng gabi nitong Lunes nang maaresto ng kanyang mga operatiba na pinamumunuan ni Police Col. Villaflor Bannawagan ang anim na Chinese national na nakilalang sina Gao Tong Tong; Tian Yu; Liang Kai; Cheng Yong Qing; Zhang Bo Xu; Wang Xuan, at isang Pinoy na si Edgar Ortiz at matagumpay na mailigtas ang kidnap victim na si Le Chen sa QROI 199 Roxas Blvd, Paranaque City.

Napagalaman na humingi ng tulong ang live-in partner ng biktima na nakilalang si Mariel Mirabel sa PNP-AKG dahil humihingi ang mga suspek ng halagang P84,000 para pakawalan nila ang biktima.

Agad namang nagsagawa ng balidasyon ang pulisya sa impormasyon at nang ito ay magpositibo ay agad silang nagsagawa ng operasyon at maaresto ang mga suspek at masagip ang biktimang Chinese national.

Samantala, kamakalawa ng gabi din ng mailigtas ng mga tauhan ng PNP-AKG ang isa pang kidnap victim na Chinese national na si Den Lingyi sa DEXIN 999 Company na matatagpuan sa 146 Don Carlos, Revilla, Pasay City pero walang naarestong suspek sa isinagawang operasyon.

Base sa ulat, nitong Hulyo 12 ay nag-apply online ang biktima sa SPARC Company bilang POGO worker at Hulyo 16 nang kunin siya ng hindi pa kilalang Chinese national para umano sa interview at dinala sa Villa Carolina 3 Townhouse 3 sa Barangay Tambo, Paranaque City para umano sa kanyang trabaho.

Subalit ng araw din iyon ay nakatanggap ng text message ang live-in partner ng biktima mula dito dahil sa puwersahan umano siyang pinagtatrabaho sa isang online gambling at nakakulong siya at humihingi umano ng pera ang mga may hawak sa kanya para umano siya makalaya at kung hindi ay ibebenta umano siya sa ibang kompanya.

Humingi ng tulong ang live-in partner ng biktima sa PNP-AKG na siyang nagsagawa ng operasyon para mailigtas ito.

Ang mga nadakip na suspek ay kasalukuyang nakakulong sa PNP-AKG detention cell sa Camp Crame at nakatakda silang sampahan ng kaukulang kaso dahil sa ginawang krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?