41
sherwin-gatchalian
Oct 31, 2018 @ 12:45
By

6 buwang suspensyon sa fuel tax hike, pinipilit ni Gatchalian

Kahit inaasahan nang pababa ang presyo ng petrolyo sa 2019, igigiit pa rin ng Senate committee on economic affairs na huwag ituloy sa unang anim na buwan ng taon ang pagtataas ng excise tax sa petrolyo.

Batay sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, dapat magtaas ng P2 ang buwis sa bawat litrong aangkatin umpisa sa Enero 1, 2019 hanggang Disyembre 31, 2019, bukod sa itataas sa 2020.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng kumite, sa kanilang pag-aaral, kailangan ng anim na buwan para makabawi ang publiko mula sa naging napakabilis na pagtaas ng inflation o presyo ng petrolyo at pangunahing pangangailangan nitong 2018.

Matatandaan na nagdesisyon na ang Malacañang na tatlong buwang suspendihin ang pagtataas ng buwis o mula Enero hanggang Marso.

Diin ni Gatchalian, masyadong maigsi ang tatlong buwan para makabwelo ang mahihirap na pamilya kahit pa ang mga negosyante lalo na ang mga nasubo sa utang ngayong taon.

Nanawagan ito sa Malacañang na lubusin na ang pagpapaluwag sa publiko.

Maari naman umanong mabawi ang mawawalang buwis sa gobyerno mula sa underspending ng iba’t ibang ahensya at mula rin sa pagtitipid.

Sa pagdinig ng kumite, sinabi ng Department of Finance (DOF) na tutukoy sila ng mga pwedeng tipirin muna ng gobyerno dahil sa suspensyon ng dagdag na buwis sa petrolyo.

Kabilang na rito ang gastos sa mga biyahe at pagbili ng mga bagong sasakyan na maari umanong ipagpaliban.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?