34

By

6 biyahero naharang sa P4.6M marijuana

Sharing is caring!

Nabigong ideliber ng anim na biyahero ang kanilang dalang marijuana na umaabot sa halagang P4.5 milyon makaraang harangin ang kanilang sasakyan ng pinagsanib na mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Immaculate Conception, Cubao, Quezon City, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.

Sa report ni QCPD Director, Police Chief Superintendent Joselito T Esquivel Jr., kay Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Police Director Guillermo Lorenzo T Eleazar, ang mga suspek ay nakilalang sina Grenie Hierro, 34; Anthony John Timpug, 39; Lassery Ann Rayo, 30; Randbel Clifford Venzon, 20; Archie Visperas Ferreras, 20 at isang 16 menor-de- edad na na hindi na tinukoy ang pangalan.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Cubao Police Station 7 na pinamumunuan ni P/Supt Giovanni Hycenth Caliao tungkol sa ibibiyaheng marijuana galing ng Kalinga Apayao.

Agad namang nakipag-koordinasyon ang mga operatiba ng Cubao Police sa PDEA at dakong alas-8:00 ng gabi ay ikinasa ang ‘anti-Illegal drug buy-bust operation’ laban sa mga suspek sa No. 25, Room 713, Mary Grace Haven Apartment, Denver St., Brgy. Immaculate Conception, Cubao, sa nasabing lungsod.

Nakumpiska sa mga suspek ang 27 piraso ng malalaking rolyo ng dahon ng marijuana, pitong piraso ng bricks ng dahon ng marijuana, isang digital weighing scale, dalawang plastic bag na naglalaman ng dahon ng marijuana, at mga drug paraphernalia na may kabuuang 35 kilo at nagkakahalaga ng P4.5 milyon.

Aminado naman ang suspek na si Hierro na nagtutulak siya ng marijuana, ngunit iginiit nito na hindi sa kanya ang mga nabanggit na kontrabando sa halip ay ipinabebenta lamang umano sa kanya ito ng por-kilo sa Metro Manila, subalit hindi nito idinetalye ang mga eksaktong babagsakan nila ng nasabing kontrabando.

Ang mga suspek ay nakapiit ngayon sa QCPD detention cell habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?