ABANTE licensure examination leakage maritime
By

6 arestado sa pagbenta ng leakage ng marine officer exam

Sharing is caring!

Inaresto sa isang entrapment operation ang anim suspek kabilang ang limang kawani ng Maritime Industry Authority (MARINA) dahil sa pag-aalok ng leakage para sa marine officer licensure examination kapalit ng P5,000.

Isinakatuparan ang operasyon makaraang dumulog sa MPD Headquarters si Jobert Francisco, may-ari ng Pipedown Review Center na nasa Kalaw, Ermita, Maynila, kasama si Carlito Canlas Bondoc, Marina Board Examiner.

Isinumbong ng mga complainant na sila ay inalok ng suspek na si Joemarie Antiquera, marketing manager ng North Star Training Inc. na naka-base rin sa Ermita, Maynila, ng leakage sa licensure examination.

Ngayong araw, ikinasa ng MPD-General Assignment Investigation Section ang entrapment operation sa Pipedown Review Center at nang maisakatuparan ang transaksyon dakong ala-singko ng hapon kanina, inaresto ng mga pulis ang anim na suspek.

Bukod kay Antiquera, kasama sa mga dinakip sina Christian Asistores, Julius Maquera at Malone Morales na pawang mga evaluator sa MARINA, pati na sina John Daniel Miron at Teodorico Dionisio na kapwa information technician sa MARINA.

Nakakulong na ang mga suspek sa MPD Headquarters at sila ay nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office para sa reklamong paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act 3019. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?