99
drug-test
Jan 25, 2019 @ 17:17

6-anyos nagpositibo na sa droga

Ibinunyag ng isang konsehal sa ginawang pagdinig sa Senado nitong Biyernes na mas bata pa sa 9-anyos ang nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga.

Ayon kay Quezon City Councilor Ranulfo Ludovica sa pagharap sa Senate committee on justice and human rights, isinasailalim nila sa drug tests ang mga nire-rescue nilang kabataan at dito nagpositibo ang isang 6-anyos sa shabu, marijuana at solvent.

Ang naturang komite na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon ang naatasan na tumalakay sa panukalang pagpapababa sa minimum age of criminal responsibility mula sa kasalukuyang 15-anyos.

Natuklasan din umano, ayon pa kay Ludovica, na ang mga magulang ang talagang pabaya sa mga kabataang ito.

Nitong Miyerkoles inaprubahan sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill No. 8858.

Sa ilalim nito, ibababa sa 12-anyos ang edad ng batang maaaring parusahan sa batas mula sa dating 15-anyos.

Naunang ipinanukala noong Lunes ng House justice committee na 9-anyos ang dapat na age of criminal liability pero marami ang tumutol dito dahil masyado pa umanong bata ito at hindi pa alam ang kanyang ginagawang mali. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?