279

Sep 26, 2017 @ 22:56

57 sabungero nadakma sa tupada

Umaabot sa 57 katao ang nadakip ng awtoridad matapos ang isinagawang raid sa isang tupada o ilegal na sabong kamakalawa ng hapon sa bayan ng Camaligan, Camarines Sur.

Bukod sa nasabing bilang ng mga naarestong suspek ay nakumpiska din sa nasabing raid ang 53 mga manok panabong, dalawa sa mga ito ay may tari na at handa ng ibitaw habang mahigit sa P11,000 cash pusta sa gaganaping sultada ang nakuha din ng pulisya.

Sa ulat na ipinadala ng Camaligan Municipal Police Station (MPS) sa Police Regional Office (PRO) 5 sa Camp Simeon Ola, dakong alas 4:30 ng hapon ng sugurin ng pinagsamang puwersa ng Camarines Sur police at lokal na pulisya ang Camaligan Sports Complex na matatagpuan sa Barangay San Roque ng nabatid na bayan.

Isang sumbong kasi ang natanggap ng pulisya hinggil sa tupada sa lugar kaya agad na tumulak ang pulisya sa lugar.

Nabulaga ang mga mananabong sa pagsugod ng kapulisan kaya lahat ng tao sa loob ng tupadahan ay nasakote ng pulisya.

Nakakulong ang mga nadakip na sabungero sa Camaligan MPS at sinampahan na ng kaukulang kaso ang mga ito. ( Edwin Balasa)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?