By

71 anyos na Australian missionary na kritiko ng gobyerno, inaresto ng BI

Sharing is caring!

Dahil umano sa pagiging “undesirable alien”, isang 71 anyos na madre at human rights advocate mula sa Australia ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) Lunes ng hapon.

Si Sister Patricia Fox, mother superior ng Our Lady of Sion congregation na naka-base sa Pilipinas ay nabatid na inaresto ng anim na ahente ng BI sa bahay nito sa Quezon City dakong 2:15 ng hapon.

Naka-detine ngayon ang madre sa kulungan ng BI intelligence division sa Intramuros, Manila.

Ayon sa tagapagsalita ng BI na si Atty. Antonette Mangrobang, inaresto ang madre bilang pagsunod sa mission order na inisyu ni Commissioner Jaime Morente.

Tumanggi si Mangrobang na magbigay ng kumpletong pahayag dahil kinukumpleto pa nila ang kanilang imbestigasyon sa madre.

Sinabi ni Atty. Jobert Pahilga, abogado ni Sister Fox, nahaharap sa deportasyon ang kanyang kliyente dahil umano sa pagsama sa mga kilos protesta.

Nabatid na 27 taon nang nananatili sa Pilipinas ang madre sa bisa ng missionary visa at tumutulong sa mga magsasaka at mga katutubo sa bansa.

Hinala ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, may kinalaman ang pag-aresto kay Fox sa paghihigpit ng gobyerno sa mga kritiko nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?