80

Feb 19, 2020 @ 15:17
By

538 Pinoy sa Japan cruise ship, papabalik ng DFA sa ‘Pinas

Ipinag-utos ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagpapauwi sa mga Pilipinong sakay ng Diamond Princess Cruise Ship matapos makumpleto na ang labing apat na araw na quarantine period dahil sa novel coronavirus disease (COVID-19).

Sa isang tweet, inatasan ni DFA Secretary Teddy Locsin Jr. ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo na agad i-repatriate ang 538 na Pilipino na sakay ng nasabing barko.

Sinabi ni Locsin, tungkulin aniya ng gobyerno na alagaan ang mga Pinoy doon at gusto na nilang umuwi sa lalong madaling panahon.

Sa ngayon aniya, inaayos na ng embahada sa pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng Japan at princess cruise, ang mga detalye, logistics at schedule ng pagpapauwi sa mga Pinoy na sumailalim sa 14 na araw na quarantine sa barko.

Base sa rekord ng Department of Health, 41 sa 500 Pilipino sa cruise ship ay nagpositibo sa COVID-19.

Pawang mga crew ng barko ang mga nagpositibo na naka-confine ngayon sa ospital sa Japan.

Samantala magaling na ang unang tripulanteng Pinoy na nagpositibo din sa COVID-19 habang sakay ng cruise ship sa Japan.

Anumang araw at oras ay lalabas na sa ospital ang isang Pinoy na nagpositibo sa COVID-19 habang nagtatrabaho sa Diamond Princess cruise ship.

Ayon sa embahada ng Japan sa Tokyo, tagumpay na nagamot ang Pinoy crew na na-confine noong Pebrero 5 sa nasabing bansa.

Sa ngayon 40 Pilipinong positibo sa COVID-19 pa ang nasa mga medical facility sa Tokyo Metropolitan area, kasama na diyan ang anim na bagong kaso ngayong araw.

Patuloy na minomonitor ng Embahada ang mga naka-admit pa sa ospital at patuloy silang umaasiste sa anumang pangangailangan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?