97

Dec 30, 2017 @ 10:25
By

53 lugar sa Maynila itinalaga bilang firecracker zones

Itinalaga bilang firecracker zones (FZs) ng Manila Police District (MPD) ang 53 lugar sa lungsod ng Maynila.

Ito ay alinsunod sa ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte na Executive Order No. 28 na naghihigpit sa paggamit ng paputok at pailaw.

Karamihan sa mga itinalagang FZs ay mga barangay covered court, plaza at basketball court.

Ang bawat police station sa Maynila ay nagsumite ng kani-kanilang listahan ng FZs kung saan papayagan lang ang paggamit ng paputok at pailaw.

Kabilang sa mga itinalagang firecracker zones ay ang Plaza Hernandez at kanto ng Claro M. Recto Avenue at Dagupan Street; Carlos Palanca, Quinta Market harap ng barangay hanggang FEATI University; Rajah Sulayman; Remedios Circle; kahabaan ng Manila Bay sa Pedro Gil; Plaza Balagtas at Plaza San Lorenzo Ruiz sa harap ng Binondo Church.

Sa ilalim ng Executive Order 28, ang paggamit ng paputok ay nililimitahan lamang sa community fireworks display sa hangad na mabawasan ang panganib ng pagkasugat at pagkasawi dahil dito.

Itinuturing na community fireworks display kung ang aktibidad ay isinasagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng isang tao na may kasanayan at lisensiyado ng Philippine National Police.

Hindi rin pinapayagan sa community fireworks ang paggamit ng ipinagbabawal na paputok.

Sa ilalim ng Republic Act 7183 o Firecracker Law, ipinagbabawal ang mga mapaminsalang paputok na nagdudulot ng panganib sa buhay o bahagi ng katawan ng tao gaya ng atomic big triangulo at super lolo.

Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng hanggang P30,000 o papatawan ng parusang pagkabilanggo ng hanggang isang taon. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?