111
de-lima
Apr 2, 2018 @ 21:30
By

De Lima kina Argosino, Robles: Ikanta n’yo na ang mastermind sa BI extortion

Hinimok ni Senadora Leila de Lima sina dating Bureau of Immigration (BI) deputy commissioners Al Argosino at Michael Robles na ikanta ang utak sa likod ng kanilang diumano ay pangingikil ng P50 milyon mula sa Chinese casino mogul na si Jack Lam.

Idiniin ng nakakulong na senadora na walang makukuhang karangalan sina Argosino at Robles kung sila lamang ang makakasuhan ng pandarambong at makukulong ng habambuhay habang ligtas sa kaso ang extortion masterminds.

“It is better for them to reveal the extent of the involvement of Duterte officials and their fraternity brothers in the entire extortion operation and ‘fund-raising’ activity, rather than suffer the consequences all by themselves,” sabi ni De lima.

Kinasuhan ang dalawa dahil nanghingi umano ng salapi mula kay Jack Lam kapalit ng pagpapalaya ng BI sa mahigit 1,300 na Chinese workers na nahuli na ilegal na nagtatrabaho sa casino ni Jack Lam sa Clark, Pampanga.

Nakunan ng CCTV cameras ang pagtanggap ng dalawa ng salapi mula sa diumano ay tauhan ni Jack Lam na si Wenceslao Sombero alyas Wally Sombero.

Hindi kumbinsido si De Lima na sina Argosino at Robles lamang ang utak at sangkot sa extortion dahil maraming iba pang nakatataas sa mga ito na maaring iugnay sa kaso.

Inungkat na sa mga public hearing na ginanap ng Senate blue ribbon committee, maraming nakaladkad gaya nina Justice Secretary Vitaliano Aguirre at Pagcor President Alfred Lim.

Inudyukan ni De lima ang dalawa na magsabi ng totoo dahil hindi aniya laging maaasahan ang proteksyon ng kanilang mga ka-brod sa Lex Talionis fraternity na nasa Malacanang at sa DOJ.

Kasapi ng fraternity sina Pangulong Rodrigo Duterte at Aguirre.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?