833
escaped-prisoners
Nov 17, 2017 @ 16:32
By

500 preso palalayain sa QC Jail

Nakatakdang palayain ang aabot sa 500 na preso ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Quezon City Jail para mabawasan ang ‘decongestion’ ng naturang bilangguan.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Quezon City Jail Warden Superintendent Ermilito Moral sa layuning maibsan ang pagsisiksikan ng mga inmate sa naturang piitan.

Ayon kay Moral, isasama na nila ang mga inmates ng QC Jail Female Dorm, Metro Manila District Jail sa Taguig City at Quezon City Jail Annex na kung saan ay mga dati ring nakapiit sa Quezon City Jail.

Isinagawa ang Decongestion Program para mailipat ang mga inmates sa Metro Manila District Jail at QC Jail Annex dahilan umano sa sobrang sikip na ng kulungan ng Quezon City.

Nabatid sa ulat na ang kapasidad lamang ng QC Jail ay nasa 800 bilanggo, subalit mahigit 2,000 na ang nakakulong sa naturang piitan.

Nilinaw pa ni Moral na nais nilang matulungan ang mga preso na sobra-sobra na ang tinagal sa loob ng piitan dahil sa palagiang pag-postpone ng mga hearing at hindi na dumadalo ang mga biktima o complainant ng kaso na nagiging dahilan ng pagkaantala ng kanilang kalayaan.

Bunsod nito, nagpasya na ang grupo ng Justice System o Hustisya na litisin ang lahat ng preso na may magagaan na kaso at palayain na sa sandaling maabsuwelto.

Dagdag pa ni Moral, na magiging isang magandang aginaldo ito sa pamilya ng mga inmates o mahal sa buhay ngayong nalalapit na ang Pasko. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?