38

By

500 pamilya sumilong sa QC evacuation area

Sharing is caring!

Mahigit sa 500 pamilya na naninirahan malapit sa mga ilog ang nananatili sa evacuation area sa Quezon City, sa kabila ng ulat na humihina na at papalabas na ng Northern Luzon ang Bagyong Ompong, subalit asahan pa rin ang pabugso-bugsong pag-ulan at hangin sa hilagang bahagi ng Luzon.

Batay sa report ng Quezon City Police District (QCPD), ang mga pamilyang inilikas sa evacuation centers ng Quezon City ay mula sa mga barangay ng Bagong Silangan, Tatalon, Roxas, Doña Imelda, at Sta. Lucia.

Gayunman, wala pa naman umanong na-monitor na pagbaha ang QC Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) nitong Sabado, at tanging ang mga nabuwal lamang na mga puno sa Commonwealth at Barangay Capri 2-B ang kanilang agad na inaksiyunan upang hindi makasagabal sa daloy ng trapiko.

Ganap na alas-5 ng hapon sa weather bulletin na inilabas ng PAGASA, bahagyang humina ang Typhoon Ompong, habang patungo sa direksiyon ng kanluran hilagang kanluran.

Ang Southwest Monsoon (Habagat) ay magadadala pa rin pabugso-bugsong hangin na may kasamang manaka-naka at katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Western Visayas, MIMAROPA.

Makararanas naman ng kalat-kalat na mahina at biglang pagbuhos ng malakas na ulan ang Bicol Region, Eastern at Central Visayas.

Dahil dito ay pinapayuhan pa rin ang mga residente sa mga nabanggit na lalawigan, partikular ang mga naninirahan sa mga tabing-ilog, mabababang lugar at sa mga tabi ng kabundukan na maging alerto at mapagmasid sa posibleng pagkakaroon ng biglang pagbaha, pagguho ng lupa at kung maaari ay makipag-koordinasyon sa kanilang local disaster risk reduction and management offices. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?