11

Jan 14, 2021 @ 12:45
By

50% vaccine efficiency hindi sapat – Zubiri

Hindi umano sapat na 50 porsiyento lang ang efficacy rate o pagiging mabisa ng COVID-19 vaccine lalo na’t pumasok na sa bansa ang bagong variant ng coronavirus na nagmula sa United Kingdom, ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.

“The more reason that we must get the most effective vaccines for our people at hindi sapat yung 50% efficacy rate lamang,” pahayag ni Zubiri sa kanyang text message sa mga reporter.

“Doon tayo sa mga bakuna na nakatapos na ng phase 3 trials at maganda ang efficacy rates nila katulad ng Pfizer, Moderna, AstraZeneca, Gamaleya, and Novavax,” dagdag pa nito.

Sabi pa ni Zubiri, ang siyensa ang dapat gumabay sa gobyerno sa pagtukoy ng ligtas, epektibo at murang gamot na bibilihin para sa mga Filipino.

“Let the science guide as in our decision to buy the safest, high efficacy, cost effective and easy roll out na vaccines for our people. I hope our implementors hear our call and request,” dagdag pa nito.

Noong Miyerkoles, inihayag ng Department of Health (DOH) na inulat na ng Philippine Genome Center (PGC) na naitala na ang bagong variant sa bansa, kilala sa tawag na B117, matapos magpositibo sa sample ang isang Pinoy na dumating sa Pilipinas galling sa United Arab Emirates.

Ang pasyente ay lalaking taga-Quezon City na nagtungo sa Dubai noong Disyembre 27 at dumating sa bansa noong Enero 7 via Emirates Flight No. EK 332.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?