79

Nov 15, 2021 @ 21:40
By

50-K volunteer encoder sa VaxCertPH hanap ng DICT

Nasa 50,000 katao ang kailangan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para maging volunteer encoder ng VaxCertPH, kasabay ng idaraos na tatlong araw na national vaccination day.

Ang VaxCertPH ay ang portal kung saan inilalagak ang lahat ng impormasyon ng mga bakunadong indibidwal sa bansa.

“Sa susunod na mga araw magpo-post kami ng sign-up sheet for data encoders para pwede nating italaga sa bawat mga LGU,” pahayag ni DICT Undersecretary Emmanuel Caintic.

Aniya, ang mga idaragdag na volunteer encoder ay makatutulong na maiwasan ang backlog sa pag-upload ng mga impormasyon ng mga nababakunahan.

“Iyong hindi po pagkakuha ng VaxCert [vaccine certificate] ay talagang ang sanhi niyan ay ang hindi maayos at hindi kumpleto na pagka-upload ng kanilang mga records ng mga nabakunahan nila in their jurisdiction,” dagdag pa ni Caintic.

Ang mga volunteer encoder ay itatalaga rin sa kanilang bayang kinaroroonan.

Bukod dito, nagpaalala rin si Caintic na ang mga aalis muna ng bansa ang unang humingi ng sertipiko mula sa VaxCert.

“Ang mahalaga is mabakunahan muna. Kung hindi ka naman nangangailangan, hindi ka naman pala aalis, huwag muna ikaw magmadali din kumuha ng VaxCert,” aniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?