183

Jan 19, 2020 @ 14:53
By

50 baboy inalay ng Batangas ex-mayor sa kapwa Taal evacuees

Pinamigay ng isang dating alkalde ang kanyang nasa mahigit na 50 alagang baboy upang maging pagkain ng mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal na ngayon ay nasa iba’t ibang mga evacuation center sa lalawigan ng Batangas.

Huwebes ng umaga, Enero 16, nang mag-post sa Facebook si dating San Nicolas Mayor William Enriquez at inialok ang kanyang mga baboy sa mga nasa evacuation center.

Bago magtanghali ay nasimot lahat ang kanyang mga alaga na nasa isang farm sa San Nicolas na isa rin sa matinding naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.

Ayon sa 57-anyos na dating alkalde, nakita niya ang matinding kakulangan sa pagkain ng mga evacuee sa kanyang tatlong araw na pagsilong sa As-is Elementary School na ginamit na isang evacuation center sa bayan ng Bauan, matapos na lumikas mula sa kanilang bahay sa Poblacion ng San Nicolas.

Matapos silang magkatay ng dalawang baboy na kanyang ipinakuha sa kanyang farm, doon niya naisip na ipamigay na lahat ang mga alaga.

Ayon dito, hindi naman eksklusibo sa mga taga-San Nicolas ang kanyang pinamigay at pinamahagi rin ito sa mga evacuee mula sa mga bayan ng Agoncillo, Lurel, Lemery at Taal.

Si Enriquez ay 2-terminong vice mayor at isang-term na mayor ng San Nicolas mula 2016 hanggang 2019.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?