110

Dec 12, 2017 @ 14:37
By

50-anyos na kelot, kritikal sa bugbog ng mga binatilyo

Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang 50-anyos na lalaki matapos na pagtulungang bugbugin ng hindi bababa sa anim na mga binatilyo sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Barangay 150 Secretary Arnel Delgado, ganap umanong alas-siyete ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Kapayapaan Street, Barangay 150 ng nasabing lungsod.

Naglalakad umano ang lasing na biktimang si Ariel Pestillos, na kapatid ni Barangay 145 Chairman Mario Pestillos, sa nasabing kalsada nang bigla na lamang siyang lapitan ng isa sa mga binatilyo at hampasin ng kahoy sa ulo.

Bagama’t may tama na sa ulo ay nagawa pang makatakbo ng biktima ngunit sinundan pa siya ng mga suspek saka pinagtulungang suntukin, sipain at muling hatawin ng kahoy sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa kabila nito ay pinilit pang makatayo ng biktima at nagtago sa noon ay dumadaang motorsiklo ngunit hinampas uli siya ng kahoy ng isa sa mga suspek hanggang sa tuluyan na siyang bumulagta.

Tiyempong may napadaan na pulis kaya naaresto ang suspek na si Rommelson Pineda, 18, ngunit nakatakas ang ibang kasama nito na ang dalawa ay kinilalang sina Aldrin Marcos at Christian Marquez na pawang mga nasa 18 din ang edad.

Naisugod sa Manila Central University Hospital ang biktima na ngayon ay inoobserbahan pa ang kalagayan sa ICU at kinakailangang sumailalim sa operasyon dahil sa malalang pinsala sa kanyang mukha at panga.

Nakatakda namang sampahan ng kaso ng pamilya ng biktima ang mga binatilyong sangkot sa insidente. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?