141

By

5-year driver’s license project ng LTO, pinapawalang-bisa sa SC

Sharing is caring!

Dumulog sa Korte Suprema ang isang kinatawan ng partylist group para hilinging ipatigil ang pagpapatupad sa P836 milyon na proyekto ng Land Transportation Office (LTO) para sa pagpapalabas ng driver’s license cards na may bisa na hanggang limang taon.

Sa kanyang petisyon, hiniling ni ACTS OFW Partylist Representative Aniceto Bertiz sa Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang proyekto dahil isinagawa ang public bidding para sa proyekto kahit wala pang pondo na nailalaan para rito sa ilalim ng General Appropriations Act 2016.

Partikular umanong nilalabag ng nasabing proseso ang Article 6, Section 29 (1) ng 1987 Constitution na nagsasabing ang pondo ng gobyerno ay gagastusin lamang salig sa ipinasang appropriation.

Pinangalanang respondent ni Bertiz sa petisyon sina: Executive Secretary Salvador Medialdea, Transportation Secretary Arthur Tugade, Budget Secretary Benjamin Diokno, National Treasurer Rosalia de Leon, Commission on Audit (COA) Chair Michael Aguinaldo, LTO Assistant Secretary Edgar Galvante, at ang winning bidder na joint venture ng Dermalog Identification Systems, NEXTIX at CFP Strategic Transaction Advisors.

Ang procurement ay para sa pagpapalabas ng 8,360,000 piraso ng driver’s license cards.

“There is no existing or continuing appropriations for purposes of the expenditure for the Procurement of Drivers’ License Cards With Five Year Validity CY 2017 since Congress has not enacted a law authorizing the expenditure in the form of an existing or continuing appropriations,” ang nakasaad sa petisyon.

Ayon kay Bertiz, may pagmamalabis o “grave abuse of discretion” sa panig ng mga respondent nang gawin nito ang public bidding at igawad ang proyekto sa winning bidder sa kabila ng kawalan ng “appropriated fund”.

Dahil dito, hinihiling ni Bertiz sa Korte Suprema na ipahinto ang pagpapatupad ng proyekto kasama na ang pagbebenta at delivery ng license cards at ang paniningil ng bayad mula sa mga motorista, pati na ang pagbabayad sa supplier gamit ang pondo ng gobyerno.

Ito na ang pangalawang petisyon na inihain laban sa nasabing proyekto.

Ang unang petisyon ay inihain ng Anti-Trapo Movement Incorporated noong buwan ng Mayo. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?