81

By

5 world leaders dadalo sa ASEAN business conference

Sharing is caring!

Limang mga pinuno ang nakatakdang magsalita sa tatlong araw na ASEAN Business and Investment Summit o ABIS na gaganapin sa Lungsod ng Paranaque na magsisimula ngayong araw na ito.

Ayon kay Joey Concepcion, ASEAN Business Advisory Council Chair, si Myanmar State Counsellor Aung San Suu Kyi ay nakatakdang magsalita mamayang 3:30 ng hapon pero hindi pa tiyak kung ano ang particular na isyung tutukan ni Syu Kyi.

Magkagayunman, tiyak umanong makabibigay ng inspirasyon si Suu Kyi sa mga makikinig sa kanyang ilalahad na pananalita lalu pa’t siya ay nakilala dahil sa pagsusulong ng demokrasya sa kanilang bansa.

Nakatakda ring magbigay ng talumpati si Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing pagtitipon mamayang ala singko imedya ng hapon.

Bukas, nakatakda naming maging bahagi ng forum tungkol sa imprastraktura si Russian Prime Minister Dmitry Medvedev.

Magiging bahagi rin ng pagtitipon bukas si Korean President Moon Jae gayundin si Indian Prime Minister Narendra Modi.

Si dating Pangulong Gloria Arroyo ay nakatakda ring dumalo ng kumperensiya sa Martes, habang si Vice President Leni Robredo ang mangunguna naman sa closing ceremony na gagawin din sa Martes.

Tinatayang 2,500 ang mga delegadong dadalo sa ABIS na inorganisa ng ASEAN Business Advisory Council o ABAC.

Sinabi rin ni Concepcion na nakatakdang magsumite ng ulat ang ABAC sa ASEAN Summit bukas. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?