86
arestado
Sep 9, 2018 @ 14:31
By

5 tulak ng shabu tiklo sa Tumana

Kulungan ang bagsak ng apat na lalaki at isang babae sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kahapon, Setyembre 8, sa Creek Side, Barangay Tumana, Marikina City.

Nakilala ang mga suspek na sina Judith Alemania, 35-anyos; Jaypee Diaz, 30-anyos; Mark Christopher Abrigana, 28-anyos; Edison Tisoy, 28-anyos; at Diosdado Garais, 28-anyos, pawang mga residente ng Barangay Tumana.

Ayon kay P/Insp. Greco Gonzales, hepe ng SDEU ng Marikina Police, ikinasa ang buy-bust bandang alas-10:15, Sabado ng gabi, sa kahabaan ng Block 68, Palay St., Creek Side, sa Barangay Tumana na kung saan nakipagtransaskyon ang isang pulis na umaktong buyer sa tatlong tulak na sina Alemania, Diaz at Garais.

At nang saktong ibinigay na ang inorder na iligal na droga ay agad na nilambat ang tatlong tulak kasabay na rin ang dalawang parokyano ng mga ito na sina Abrigana at Tisoy.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang pitong pakete na naglalaman ng shabu at P500 na ginamit bilang buy-bust money.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Marikina detention cell at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Sec 11 at Sec 5 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?