45

Oct 27, 2017 @ 17:04

5 trak ng basura nahakot sa Manila North Cemetery

Nag-ikot ngayong hapon sa Manila North Cemetery sina National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Director Oscar Albayalde at Manila Police District (MPD) Director, Chief Supt. Joel Coronel.

Ito ay para tiyakin ang antas ng kahandaan para sa nalalapit na Undas.

Inabutan ng dalawang opisyal ang nililinis na mga puntod sa loob ng sementeryo at ang paghahakot ng mga basura.

Para sa araw na ito, umabot na umano sa limang trak ang nahahakot na mga basura.

Samantala, sinabi naman ni Coronel na simula bukas ay magde-deploy na ang MPD ng mga tauhan para magbantay sa Manila North at Manila South cemeteries.

Pero pagsapit umano ng Oktubre 31 at Nobyembre 1, mas maghihigpit sila ng seguridad sa apat na sementeryo sa Maynila kabilang na ang La Loma Cemetery at Chinese Cemetery.

Aniya, halos 1,600 ang kabuuang bilang ng mga miyembro ng MPD na ipakakalat sa apat na sementeryo na sakop ng lungsod para magbantay ng seguridad sa araw ng Martes at Miyerkules.

Noong Nobyembre 1 ng nakaraang taon, ang bilang ng mga bumisita sa mga puntod sa Manila North Cemetery ay umabot sa 1.2 milyon, habang sa Manila South Cemetery naman ay mula 200K hanggang 300K.

Ngayong Undas, sinabi ni Coronel na inaasahan nila na aabot ng kaparehong bilang o higit pa ang daragsa sa Manila North at Manila South cemeteries. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?