69

By

5 taong validity ng lisensiya ng baril, OK na sa Senado

Sa botong 20, walang kontra at abstention, ipinasa na nitong Lunes sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang isang panukalang naglalayong palawigin ang validity ng lisensiya ng baril at bala sa limang taon mula sa kasalukuyang apat na taon.

Sa ilalim ng Senate Bill 1115 na naglalayong amiyendahan ang Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms And Ammunition Regulation, ang pagpaparehistro ng baril ay dapat i-renew kada limang taon mula sa birthdate ng lisensiya nito.

“Failure to renew the registration of the firearm on or before the date of its expiration shall cause the revocation of the license. The said firearm shall be confiscated or forfeited in favor of the government after due process,” ayon sa panukala na inihain ni Senate Majortiy Leader Juan Miguel Zubiri.

Bukod diyan, palalawigin din ang validity ng permit to carry firearm sa labas ng residence sa dalawang taon mula sa dating isang taon lamang, mula sa petsa na inaprubahan ang aplikasyon nito.

Nauna nang sinabi ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs chair Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na magiging advantageous sa lahat ng stakeholder kabilang ang gobyerno dahil ang kikitain nito ay mapupunta sa kaban ng bayan.

“The spirit of that amendment is to account all loose firearms na naglilipana, so advantageous ‘yan on the part of the government dahil nga mababawasan ang loose. firearms. Dadami itong registered firearms na magiging under the control and regulation by the government,” sabi ni Dela Rosa.

Maeengganyo din umano ang mga gun owner na i-renew agad ang lisensiya ng kanilang baril dahil pabibilisin ang proseso nito.

Sa datos ng Firearms and Explosives Office ng PNP, bago ang pagsasabatas sa Republic Act No. 10591 noong 2013, umabot sa 1,650,353 ang bilang ng mga nakarehistrong armas. Sa ngayon umabot na ito sa 1,869,684.

Sabi pa ni Dela Rosa, 45 porsiyento o 837,758 ng 1,869,684 na registered firearms ang hindi pa nare-renew at 7,073 naman ang loose firearms.

“This is exactly why we say that a mere increase in the number of registered firearms upon the implementation of RA 10591 is not considered an achievement, especially when a sizeable number of the owners choose not to renew their licenses despite the possible risk of imprisonment,” sabi ng dating PNP chief.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?