26

Feb 10, 2020 @ 16:07
By

5 swak sa shabu sa Isabela

Arestado ang limang katao kabilang ang mag-asawa at barangay tanod sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operation sa Barangay Norte, Santiago City, Isabela noong Linggo.

Ayon sa Isabela Provicial Police Office (IPPO), unang inaresto ang mag-live-in partner na nakilalang sina Roniel Aquino, 32, negosyante at nakilala lamang sa pangalang Alma, 25, parehong taga-Purok Uno, ng nasabing barangay.

Sa imbestigasyon, ayon sa IPPO, nakatanggap umano ang Santiago City Police Station-Drug Enforcement Unit (SCPS-DEU) ng intelligence information na ang mag live-in ang magde-deliver ng shabu sa kanilang mga suki.

Dito, agad na nagsagawa ng anti-illegal drug bust ang SCPS-DEU at agad na pinosasan ang mag-asawa matapos iabot ang ilang gramo ng umano’y shabu sa isang undercover agent na pulis.

Nakuha sa mga suspek ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu at marked money na ginamit sa buy-bust operation.

Nalaman ng SCPS na sangkot din sa illegal na droga ang dalawa ngunit nakalaya sa pamamagitan ng plea bargaining. Ayon sa pulisya, nasangkot din sa kasong robbery si Aquino na kalauna’y naabswelto at nakalaya.

Samantala, tatlong katao kabilang ang isang barangay tanod ang inaresto rin sa isinagawang drug buy-bust operation sa Carreon Street, Purok 4, Centro East, Santiago City.

Kinilala ng SCPS ang mga nadakip ay sina Barangay Tanod Charels Alindada, 41, ng Centro East at 31-anyos na babae, na residente ng Purok Uno, Centro West, Santiago City.

Samantala, kasama sa mga inaresto ay si Christopher Garcia, 28, walang trabaho, ng Barangay Rosario, Santiago City.

Sa ulat, nakatanggap ng ulat ang mga otoridad na talamak na nagtutulak ng illegal na droga sina Alindada at Garcia sa Santiago City.

Hinuli ang mga suspek matapos na maaktuhang nagbebenta ng dalawang pakete ng hinihinalang shabu sina Alindada at Garcia sa pulis na nagsilbing poseur buyer.

Lahat ng mga suspek ay nakakulong ngayon sa SCPS detention cell at kasong anti-illegal drug act ang sinampa laban sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?