298

Oct 4, 2017 @ 17:06

5 suspek sa China Bank robbery, timbog

Nabigo ang limang kawatan na umano’y pawang miyembro ng ‘Termite Gang’ na una nang nanloob sa China Bank nang muli umanong nagpa-plano na sunod na pagnakawan ang Banco De Oro sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Iniharap sa ginanap na press conference ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, ang mga nadakip na suspek na sina Jordam Agustin Duldulao, 29, may-asawa, taxi driver, at residente ng 2721 Brgy. Poblacion Quirino, ILocos Sur; Melbert Aligan Bautista, 26, binata, farmer ng Brgy. Lamag, Quirino Ilocos Sur; Ambrose Rex Sannad Layao, 28, may asawa, jeepney driver, naninirahan sa Brgy. Irisan, San Carlos, Baguio City; Allyson Ngina Aligan, 23, binata, farmer ng Brgy. Patiacan, Ilocos Sur; at Geraldine Tingalan Bawas, 25, binata, farmer ng Purok 24, Brgy. Irisan San Crlos, Baguio City.

Ayon kay Eleazar, ang mga nasabing suspek ay naaresto dakong alas-7:05 ng gabi sa kanto ng Edsa at New York St., Brgy. E. Rodriguez ng nasabing lungsod.

Sila ay kakasuhan ng paglabag sa RA 9516, RA 10591, Robbery at Omnibus Election Law, matapos na makumpiskahan ng granada at iba’t ibang uri ng armas.

Una dito ay nakatanggap umano ng impormante si Police Senior Inspector Alan Dela Cruz ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, na ang mga naturang suspek na nanloob sa China Bank (Fairview Branch) ay nagparada ng kanilang sasakyang kulay gray na Mitsubishi Montero na may plakang AHN 858 sa harapan ng Banco De Oro na matatagpuan sa kanto ng Edsa at New York St., Cubao ng nasabing lungsod, na tila ito naman ang pinag-aaralan at planong looban.

Agad na nagresponde ang mga tauhan ng QCPD at nang mamataan na unang bumaba sa sasakyan si Allyson Aligan at kinuha ang kanyang baril na nakatago sa bewang saka itinago sa kanilang sasakyan ay agad nang dinakma ito ng nakapalibot na pulis-QC.

Pinababa na rin ang apat pang mga kasamahan nito at doon ay nasamsam sa loob ng kanilang sasakyan ang granada, mga patalim at iba’t ibang uri ng matataas na kalibre ng baril.

Batay sa impormante ng QCPD, ang mga nadakip na suspek ay ang mga nanloob sa China Bank. Sila ay kasalukuyang nakapiit ngayon sa QCPD detention cell.

Nauna dito, una nang sinilip ang anggulong inside job ng pamunuan ng QCPD sa naganap na China Bank robbery sa Commonwealth Avenue, Quezon City nitong Lunes ng umaga.

Ito ay dahil sa hindi umano inaksiyunan ng security agency ang impormasyon na ipinarating sa kanila ng management ng China Bank na sira at may problema ang alarm system at Closed-Circuit Television camera (CCTV).

Sinasabing Sabado pa inireport ng management ang problema sa alarm system at CCTV at ang pangloloob ng grupo ng ‘Termite Gang’ na dumaan sa manhole sa tapat ng bangko at humukay patungo sa loob ng nasabing bangko.

Nakapasok ang mga suspek sa China Bank sa pamamagitan nang paghukay sa underground sa may drainage system. Nang makapasok ang mga suspek sa bangko ay puwersahang binuksan ang vault at tinangay ang hindi pa batid na halaga ng salapi. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?