75

5 parak sa Bulacan shootout, kinasuhan na

Pormal nang kinasuhan nitong Huwebes ng isang negosyante sa National Police Commission (Napolcom) ang limang pulis na bumaril at nakapatay sa anak na lalaki ng una sa sinasabing naganap na shootout sa Norzagaray, Bulacan.

Ang mga inireklamo ay nakilalang sina Major Avelino Protacio, Capt. Wilfredo Dizon, Master Sgt. Dwight Danao, Corporal Nicanor Bautista at Patrolman Patrick Estrella, pawang nakatalaga sa Norzagaray Police Station.

Sila ay kinasuhan ni Efren Esteban Sr., residente ng P. Dela Merced Street, Barangay Poblacion, ng grave misconduct sa pagbaril at pagpatay sa kaniyang anak na si Efren Esteban Jr., 36, na pinalilitaw ng mga pulis na nakipag-engkuwentro sa isinagawa nilang operasyon sa illegal drugs.

Sa report ng mga awtoridad, binaril at napatay si Efren Jr. matapos na manlaban sa isinagawa nilang buy-bust operation dakong alas-10:20 ng gabi noong Agosto 20, 2019 sa Sitio Lingunan, Barangay Partida, Norzagaray, Bulacan.

Pero hindi ito pinaniniwalaan ng ama ng biktima at aniya agad na pinaembalsamo ng mga pulis ang bangkay ng kaniyang anak nang hindi man lamang sila kinokontak at walang pahintulot nito.

“At bakit sa punerarya agad nila pinakuha ang bangkay ng aking anak sa halip na dapat ay sa ospital muna… mga pulis na mismo ang nagdeklarang patay na ang aking anak,” pahayag ni Esteban Sr.

Isa pang ipinagtataka ng ama ng biktima ay kung bakit iniuwi ni Master Sgt. Danao ang mga nasamsam na kagamitan ng kaniyang anak sa bahay nito, sa halip na direktang dalhin sa kanilang headquarters.

Bukod dito ay nakatanggap umano ng impormasyon si Esteban Sr., mula sa isang nakilalang Eduardo Gonzales na bago nangyari ang sinasabing shootout, ang kaniyang anak ay nasa kostudiya na ng mga awtoridad.

“Tinanong ko si (Eduardo) Gonzales kung sino ang nagsabi sa kanya, ang sagot ay si Bautista (Cpl. Nicanor dela Cruz Bautista). Ang aking ipinagtataka, bakit hindi nila idineklara ang malaking pera na aking binigay sa aking anak (noong Agosto 20, 2019) na nagkakahalaga ng P450,000 na nilambing ng aking anak sa akin na gusto niyang bumili ng kotse… kasama pa ang mga alahas na bigay ko sa aking anak (kuwintas, singsing at pulseras) na hindi dineklara ng mga pumatay na pulis sa aking anak,” nakasaad pa sa affidavit ng ama ng biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?