97

Dec 31, 2017 @ 17:12

5 opisyal ng BFP sinibak dahil sa NCCC mall tragedy

Tinanggal na sa kani-kanilang posisyon ang limang opisyal ng Bureau of Fire Protection sa Davao City kasunod nang pagkasunog nang NCCC Mall na ikinasawi ng 38 katao.

Ang mga sinibak ay sina Supt. Honey Fritz Alagano, ang city fire marshall; Insp. Renero Jimenez, ng Talomo fire station commander; Senior Fire Officer 1 Leo Lauzon at Fire Officer 2 Joel Quizmundo, parehong fire safety inspectors; at Senior Fire Officer 1 Roger Dumag, chief ng city fire office safety enforcement section.

Kinuwestiyon ng inter-agency anti-arson task force ang limang opisyal kung bakit naglabas ang mga nabanggit ng mga opisyal ng fire safety inspection certificate sa NCCC Mall at SSI gayong lumabag sa Fire Code of the Philippines ang mga ito.

Ito ay batay sa ginawang verification inspection ng inter-agency anti-arson task force.

Sabi pa ng task force, hindi rin umano konektado ang fire alarm ng SSI sa central fire arlam ng NCCC mall kaya’t na-trap ang ilang call center agents sa nasabing gusali.

Ang SSI ay pangalan ng call center company na nagre-renta sa ikaapat na palapag ng NCCC mall. Wala rin umanong automatic fire suppression system ang SSI.

Ayon kay Fire Senior Superintendent Jerome Candido, head ng task force, lumabag naman ang NCCC mall ng hindi gumana ang kanilang fire system sa ikatlo at ikaapat na palapag ng gusali.

Nabatid na wala rin umanong sprinkler heads sa ikatlong palapag ng mall bukod sa wala ring full enclosures ang fire exit kaya pumasok ang usok at init ng apoy.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?