226

Dec 19, 2017 @ 11:11
By

5 nawasak na tulay sa Biliran, aayusin ng DPWH

Bukod sa pagtulong sa relief operations, inihahanda na rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkukumpuni sa mga tulay na nawasak ng bagyong Urduja sa probinsya ng Biliran.

Nagtungo ang grupo ni DPWH Sec. Mark Villar kahapon ng umaga sa Biliran upang tingnan at matukoy ang lawak ng pinsala sa limang tulay na na-wash out dito, partikular na ang dalawang bahagi ng Caray Caray at isang bahagi ng Catmon bridge na nagdudugtong sa Biliran at Leyte.

Inaayos na rin aniya nila ang alternatibong tulong na maihahatid nila sa mga biktima upang hindi naman maparalisa ang pang-araw-araw nilang gawain.

Gumamit naman ng sasakyang panghimpapawid ang grupo ng kalihim sa paghahatid ng mga relief goods sa mga residenteng naapektuhan ng pagkasira ng mga tulay.

Samantala, nilinaw din ng kalihim na “passable” o nadadaanan na ang mga kalsada sa buong lalawigan ng Samar patungong Tacloban City sa Leyte.

Nauna nang sinabi ni Biliran Gov. Gerry Espina na nagkakaroon sila ng problema ngayon sa pagresponde sa mga apektadong residente at pagre-retrieve ng mga relief goods dahil sa pagkasira ng limang tulay na nagdudugtong sa ilang siyudad at bayan.(Mina Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?