By

5 lider ng transport groups, nakinabang sa jeep modernization – PISTON

Sharing is caring!

Ibinunyag ngayon ni George San Mateo ng grupong Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na kabilang sa mga nakinabang sa jeepney modernization ay sina ACTO president Efren De Luna, Pasang Masda president Obet Martin, FEJODAP president Zeny Maranan, LTOP president Orlando Marquez at ALTODAP president Boy Vargas.

Sa ginanap na pulong balitaan sa National Press Club, tahasang sinabi ni Mateo na ‘nagkaroon’ ang mga nasabing limang lider ng grupo ng transportasyon kaya sila pumapabor sa isinusulong na modernisasyon ng jeepney.

Itinanggi rin ni San Mateo ang alegasyon na sila lamang ang tumututol sa planong modernisasyon dahil kasama umano nila ang mga kasapi ng PASANG MASDA, ACTO, FEJODAP, LTOP at ALTODAP dahil apektado ang kanilang miyembro sa jeepney phaseout.

Tiniyak ni San Mateo na hihigitan pa nila ang kanilang isinagawang tigil-pasada noong Oktubre 16 at 17 sa ilalatag na nationwide jeepney strike sa Disyembre 4 at 5 na suportado ng mga kababaihan at mga manggagawa.

Samantala, handa naman umano si San Mateo na magpakulong sakaling dakpin ng pamahalaan sa kanilang dalawang araw na tigil-pasada. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?