100

Dec 8, 2017 @ 16:56
By

5 kelot, 2 bata huli sa Oplan Galugad

Bagama’t paunti na nang paunti, may ilan pa rin talagang matitigas ang ulo na sumusuway sa batas katulad na lamang ng nasa limang lalaki, na ang apat ay nahuling nag-iinuman sa kalsada, at dalawang mga batang lalaki na dis-oras na ay nasa kalye pa sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ni PS/Supt. Jemar Modequillo, ng Caloocan City Police, nasa apat na mga kalalakihan umano ang nahuli nilang nag-iinuman sa kalsada sa Barangay 14 at Barangay 28 ng nasabi ring lungsod habang ang isa naman ay nadakma dahil walang suot na pang-itaas sa Barangay 112.

Ang dalawang batang lalaki naman ay nahuli na nasa isang computer shop na lagpas na sa curfew hour kaya’t agad na pinatawag ang mga magulang nito.

Ayon kay Modequillo, napakaliit na lamang na bilang umano ang mga nahuli ngayon kumpara sa mga nahuhuli nitong mga nakaraang Oplan Galugad operations na hindi bumababa sa 100 katao.

Posible umanong unti-unti nang tinatablan at nagiging disiplinado na ang mga taga- Caloocan. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?