98

Apr 22, 2019 @ 16:34
By

5 huli sa Comelec checkpoint

Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na mas magiging maigting ang pagpapatupad ng mga checkpoint sa bansa kasunod ng pagkakaaresto sa limang lalaki dahil sa pag-iingat ng baril sa bayan ng Bato, Catanduanes.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, nagkakamali ang mga organized crime group sa pag-aakalang lumalamig ang pagpapatupad nila ng checkpoint habang papalapit ang eleksyon sa Mayo 13.

Ganap na alas-8:30 ng gabi noong Abril 15 nang maaresto sina Rius dela Cruz, Arnel Suarez, Noel Azores at Jony Raco, mga residente ng Masbate City sa isang checkpoint sa Barangay Sipa, Bato.

Nakumpiska sa kanila ang apat na baril na kalibre .45 at 25 na bala.

Arestado rin ang driver ng sinakyang van ng mga suspek na puting Toyota Prado (WKA 826) na si John Paul Bernardino, 28, ng Pandan, Catanduanes.

Bago sila maaresto, sinabi ni Jimenez na nakipag-ugnayan sa poll body si Police Provincial Director PColonel Paul Abay kaugnay sa pagdaan sa nasabing lugar ng puting van na naglululan sa mga suspek.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa election gun ban at Republic Act 10591 o mas kilala bilang Act Providing for a Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang mga naaresto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?