1,106

Oct 26, 2017 @ 18:55

5 durog sa ‘killer truck’ sa Batasan Hills

Lima katao ang sinasabing namatay habang hindi pa mabilang ang mga malubhang nasugatan makaraang mawalan ng preno at tuluy-tuloy na dumausdos pababa ng kalsada ang 22-wheeler truck sa San Mateo Road, Brgy. Batasan Hills, Quezon City kahapon ng hapon.

Hindi pa makilala ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Enforcement Unit Sector 5 ang kabuuhang bilang ng mga biktima sa aksidente.

Subalit sa inisyal na impormasyon, dalawa sa limang nasawi ay isang estudyante at isang lalaki na umanoy nagtatrabaho sa Bureau of Fire Protection (BFP), batay sa mga nakuhang ID sa mga ito.

Halos magkagutay-gutay ang katawan ng dalawang namatay matapos na maipit ng mga bakal na nagbagsakan mula sa trak.
Ang iba pang mga biktima ay dinala sa Malvar General Hospital sa Commonwealth Avenue, QC, at St. Mathew’s Hospital sa San Mateo, Rizal.

Nabatid na may napugutan pa ng ulo sa mga namatay sa nasabing aksidente.
Sa inisyal na ulat ng Traffic Sector 5, naganap ang malagim na aksidente dakong alas- 3:15 ng hapon sa Batasan – San Mateo Road.

Pababa umano ang truck patungong San Mateo, Rizal mula IBP Road, QC nang mawalan umano ng preno at kontrol dahil sa sobrang bigat ng kargang mga bakal o biga.

Hindi nakayanan ng preno ng truck ang bigat kaya, mabilis itong dumausdos pababa mula kanto ng Batasan San Mateo Road at Battalion Rd hanggang Senatorial Dr., at inararo ang mga kasunod na sasakyan, sinagasaan ang mga nabiglang pedsetrians bago ito tuluyang tumagilid saka kumalas ang mga bakal at nagsigulungan.

Samantala, tatlo ring sasakyan na kinabibilangan ng Toyota Fortuner, Innova at Avanza ang nawasak nang araruhin ng truck. Sugatan naman ang mga pasahero ng tatlo sasakyan na isinugod pa mga pagamutan na malapit sa pinangyarihan.

Habang isinusulat ito ay patuloy pa rin ang isinasagawang rescue operation sa mga naipit na biktima. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?