108

Mar 1, 2020 @ 18:20
By

5 dalagitang HS student, nalunod sa Cagayan

Patay ang lima sa anim na dalagitang estudyante matapos na bumigay umano ang lupang kanilang tinatapakan sa gilid ng Cagayan river, Sabado ng hapon sa bayan ng Camalaniugan ng nabatid na lalawigan.

Nakuha pang isugod sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklara na ring dead-on-arrival ang mga biktimang nakilalang sina Loribeth Ruatos, 14, Jenny Dela Cruz, 14, Aireen Tubol, 16, Mae Tubol, 13, at Bernadeth Paet, 14, pawang mga junior high school student.

Samantala suwerte namang nakaligtas si Christine Mae Aquino matapos na ma-revive ng mga doktor sa pinagdalhang pagamutan.

Base sa ulat ng Camalaniugan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), naganap ang insidente pasado ala-1:00 ng hapon habang naglalakad ang mga biktima sa gilid ng Cagayan river sakop ng Barangay Catotoran ng nabatid na bayan.

Bigla umanong bumigay ang lupang inaapakan ng mga ito dahilan upang magtuloy-tuloy silang mahulog sa ilog at tangayin ng malakas na agos nito.

Nagtulong-tulong naman ang mga rescuer upang masagip ang mga dalagitang biktima subalit tumagal pa ng halos isang oras ang naging rescue operation bago nakuha isa-isa ang mga dalagita sa tubig na naging dahilan ng pagkamatay ng lima sa mga ito at himalang nakaligtas ang isa matapos na ma-revive ng doktor.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?