359

Jan 8, 2020 @ 20:08
By

5 cultural site na mawawala ‘pag binomba ng US ang Iran

Patindi nang patindi ang tensiyong namamagitan sa mga bansang Amerika at Iran.

Matatandaang nagbanta si American President Donald Trump na dudurugin ng US ang 52 lugar sa Iran sakaling salakaying ng huli ang una.

Nirerepresenta umano ng 52 ang bilang ng mga Amerikano na na-hostage sa US Embassy sa Tehran buhat noong 1979.

Kapag tinotoo ito, maraming cultural heritage ang mawawala gayong 24 ang kinikilalang UNESCO world heritage site sa Iran.

Pwede ring makasuhan ng war crime si Trump kung sakali, gayong nakasaad sa 1954 Hague Convention for the Protection of Cultural Property in the Event of Armed Conflict na krimen ang pagtarget sa mga cultural site ng anumang bansa.

Narito ang ilan sa mga lugar na posibleng mawala kung matuloy ang pambobomba ng Amerika sa Iran.

1. Persepolis
– Napupuno ito ng maraming archaeological artifact na mula pa noong ika-6 siglo, gaya ng mga estatwa, at mga iskultura ng mga leon, toro, karakter sa alamat at mga mamamayan ng Achaemenid Empire.

2. Bam
– Pinakamalaking adobe building sa buong mundo, na nakilala sa produksiyon ng mga damit na sutla at bulak. Nasira ito ng lindol noong 2003 ngunit inayos at tinayong muli.

3. Pasargadae
– Ito ang unang capital ng Achaemenid Empire. Narito sa 160-ektaryang lupain ang mga palasyo, hardin, at libingan ni Cyrus the Great. Kinilala ito ng UNESCO na “exceptional testimony to the Achaemenid civilization in Persia.”

4. Soltaniyeh
– Narito ang ika-14 siglo na Mausoleum ni Oljaytu, isang pinuno noong Ilkhanid dynasty. Mahalaga itong monumento sa Islamic architecture, ayon sa UNESCO.

5. Sassanid Archaeological Landscape of Fars Region
– Binubuo ito ng walong archaeological site sa tatlong bahagi ng lalawigan ng Fars. Matatagpuan dito ang ilang natirang gusali mula pa sa Sassanid Empire (224 hanggang 651 AD).

Ngayong Miyerkoles, Enero 8, 2020, inamin ng Iran sa state TV nito na sila ang nagpadala ng siyam na missile attack sa Iraqi airbase na Ain al-Asad airbase, kung saan nakabase ang mga sundalong Amerikano, noong Martes ng hatinggabi.

Kasunod ito ng asasinasyon ng USA kay Iranian General Qassem Soleimani sa pamamagitan ng ‘drone strike’ nitong nakaraang Linggo sa Baghdad, Iraq.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?