82

Dec 29, 2019 @ 10:26
By

5-buwan sanggol, 3 pa naaksidente

Apat na katao kabilang ang isang 5-buwan gulang na sanggol ang sugatan nang magsalpukan ang dalawang kotse sa Barangay Cembo, Makati City, Sabado ng madaling araw.

Agad na naisugod sa Ospital ng Makati ang mga biktima na sina Alexa Gabrielle Tan, 5-buwang gulang, Florina Limon, 24, Louie Jun Reyes Mendoza, 31, at Shade Bradley Fernandez, 31, sanhi ng mga tinamong mga galos at sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.

Sa ulat ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati, dakong ala-1:45 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng J.P. Rizal Avenue sa harapan ng Guadalupe Bliss, Brgy. Cembo sa naturang lungsod.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni P/Sgt. Severino Baggayan ng Vehicular Traffic Investigation Unit (VTIU), minamaneho ni Mark Joseph Silva Tan, 27, ang Hyundai Accent na may plakang NDE 2468 habang pasahero nito si Limon at ang sanggol nang makabanggaan ang kasalubong na isang Honda City na may conduction sticker DS 575 na minamaneho ni Mendoza at sakay naman dito si Fernandez, na dahilan ng kanilang pagkakasugat.

Mabilis namang sinugod ang mga sugatan na biktima sa nasabing pagamutan upang malapatan ng lunas sanhi ng mga tinamong sugat.

Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga traffic investigator hinggil sa insidente at kung sino sa dalawang driver ang pananagutin sa nangyari.

Inaalam din ng awtoridad kung may closed circuit television (CCTV) camera sa lugar upang mabigyang-linaw ang pangyayari at masampahan ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property with multiple physical injuries.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?