44
badac
By

5 barangay execs na walang BADAC, kinasuhan ng DILG

Sharing is caring!

Pormal nang naghain ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman ang Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa limang kapitan ng barangay na hindi nag-organisa ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) sa kanilang mga hurisdiksyon.

Ang pagsasampa ng kaso ay pinangunahan nina DILG Assistant Secretary for External and Legislative Affairs Ricojudge Janvier Echiverri at Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño laban sa mga opisyal ng Barangay 471 at 477 sa Tondo; Brgy. 482 sa distrito sa Sampaloc; at 659-A at 690 sa Malate na sakop lahat ng Maynila.

Ayon kay Echiverri, bukod sa nabanggit na limang opisyal sa nasabing barangay ay may 11 pang kapitan mula naman sa labas ng Maynila ang kanilang kakasuhan.

Ang 11 ay sa Bicol Region at ito ay mula sa bayan ng Aroroy, Masbate at isa sa Gubat, Sorsogon.

Sa Aroroy, Masbate, ang mga barangay na nakumpirmang walang inorganisang BADAC ay ang Bagauma, Balawing, Gumahang, Lanang, Macabug, Manamoc, Mariposa, Nabongsoran, San Isidro, at Talabaan.

Habang sa lalawigan ng Sorsogon naman ay ang Barangay Cota na Dado (Poblacion) sa bayan ng Gubat.

“We will be filing administrative cases at the Ombudsman against the erring barangays officials of the barangays for misconduct of office or dereliction of duty pursuant to Section 60 of the Local Government Code of 1991,” ayon naman kay DILG OIC Eduardo Año.

Aniya, ang mga nabanggit na barangay ay nabigo umano o sadyang hindi nag-organisa ng sariling BADAC sa kabila ng paulit-ulit na direktiba mula sa DILG at Dangerous Drugs Board.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?