502

Jul 6, 2019 @ 17:17
By

5-anyos nagulungan ng sasakyan, pisak

Lasog-lasog ang katawan ng isang limang taong gulang na batang lalaki matapos na magulungan ng sasakyan habang naghihintay ng sundo mula sa kanilang paaralan, Biyernes sa Santiago City.

Dead on the spot ang bata na nakilalang si Jhedai Dimayacyac nang masagaan ito ng sasakyan na minamaneho ni Eloisa Joy Casabar, 28-anyos.

Ayon sa suspek, hindi niya namalayan na bata ang kanyang nabundol at giit nito na bato lang ang kanyang nasagasaan noong Martes ng hapon.

Sa kabila nito, humihingi ng hustisya ang pamilya Dimayacyac matapos na malamang nakalaya na ang suspek nang ikulong ito pansamantala sa Santiago Police Station na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Ayon sa ina ng biktima na si Apple Dimayacyac, “Nakakasama ng loob dahil kami nagluluksa, tapos siya nakakalaya. Iyung mga ganyang tao ay hindi dapat pinagmamaneho.”

Nasagasaan ang biktima habang nag-aabang ng kanyang sundo kasama ang kapatid na babae sa labas ng kanilang paaralan sa St. James the Apostle sa Centro West, Santiago City.

Ayon sa report, kalalabas lamang ng biktimang si Jhedai at ang kapatid nitong babae mula sa paaralan nang makita ng kanilang sundo.

Pinaghintay daw ang magkapatid ng sundo nila sa gilid ng kalsada sa labas ng paaralan para kunin ang service tricycle nito.

Habang nag-aantay, humingi raw si Jhedai ng pera sa kanyang ate ngunit hindi ito binigyan kaya nagtampo ang bata at umupo na lamang sa daan na sakto namang may padaan na sasakyan at nasagasaan ang bata kung saan ay pumailalim pa sa gulong na naging sanhi ng agad nitong pagkamatay.

“Hindi po niya tinakbuhan, kaya lang hindi niya tiningnan kung buhay pa ‘yung anak ko. Akala niya bato lang daw ‘yung dinaanan niya,” ayon kay Apple.

Samantala, biglang napauwi mula sa Japan ang ama ng biktima na si Eyzon Dimayacyac nang matanggap tungkol sa sinapit ng anak na halos hindi makakilos nang makita ang bangkay nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?